Tuluyan nang naaresto ang isang lalaking ama na itinuturing na No. 7 Top Most Wanted Person sa Nueva Vizcaya dahil sa paulit-ulit na panggagahasa sa sarili niyang anak na menor de edad.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Ferdinand,” na nadakip sa bisa ng Mandamiento de Arresto na inilabas ng RTC Branch 37, 2nd Judicial Region.

Nahaharap siya sa 4 counts ng Qualified Rape at 3 counts ng Acts of Lasciviousness.

Batay sa imbestigasyon ng Kasibu Police Station, matagal nang ginagahasa ng suspek ang kanyang anak subalit hindi agad ito naiulat dahil sa matinding pananakot.

Naglakas-loob lamang ang biktima na magsumbong nang pansamantalang tumira sa kanyang lolo.

-- ADVERTISEMENT --

Noong 2023, sinamahan ng ina ang biktima upang magsampa ng kaso, at makalipas ang dalawang taon ay naaresto rin sa wakas ang suspek.

Ayon kay PMaj. Roselle Damil, nakakaalarma ang tumataas na kaso ng pang-aabuso sa kababaihan at kabataan, lalo na sa mga liblib na barangay.

Dahil dito, puspusan ang isinasagawang mga information drive at symposium ng pulisya upang bigyang-kaalaman ang mga mamamayan, lalo na ang mga kababaihan, ukol sa kanilang karapatan at mga hakbang laban sa karahasan.