Pinaniniwalaang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang isang lalaking may kumplikadong sakit sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Kinilala ang nasawi na isang 51-anyos, balo at residente ng Brgy Villa Laida.

Ayon kay PCAPT Jennifer Calaud, deputy chief of police ng PNP-Tuao, natagpuan ng kanyang dalawang anak ang duguang katawan ng kanilang ama sa loob ng bahay matapos marinig ang isang putok ng baril dakong tanghali nitong Lunes, January 13.

Isang tama sa dibdib ang ikinamatay ng biktima gamit ang improvised na baril.

Sa ngayon, depresyon ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa nasabing insidente kung saan nasa bahay na lamang ang biktima at hindi makapagtrabaho dahil sa mga sakit nito.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi naman akalain ng kanyang mga anak na magagawa ito ng kanilang ama dahil naging maayos naman ang ikinikilos nito at walang pahiwatig na ito ay magpapakamatay.

Sinabi ni Calauad na nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa ibang ahensya ng pamahalaan para sa psychosocial support sa dalawang anak ng biktima na nakaranas ng trauma sa pangyayari.