Sinibak sa kanyang puwesto sa Department of Education o DepEd ang ama ng Grade 9 student na sangkot sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Inihayag ito ni Representative Maria Carmen Zamora sa deliberasyon ng Kamara sa 2027 budget ng DepEd.

Ayon kay Zamora, inalis na sa puwesto ang ama bilang Disaster Risk Reduction and Management personnel ng DepEd at isinailalim sa imbestigasyon.

Napag-alaman ng mga awtoridad na mula sa ama nakuha ng estudyante ang baril na ginamit sa insidente na ikinasawi ng tatlong estudyante.

Sa budget deliberation, kinuwestiyon din ang DepEd kung mayroon itong internal policy para sa responsableng pagmamay-ari at paghawak ng baril ng mga empleyado.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng DepEd na wala itong hiwalay na internal policy sa usapin, ngunit inaasahan ang lahat ng personnel na sumunod sa umiiral na batas sa wastong paghawak ng baril.