TUGUEGARAO CITY-Patay ang isang ama sa pananaga ng kanyang sariling anak habang sugatan ang babaeng kapatid nito dahil sa away sa lupa sa bayan ng Solana.

Kinilala ang suspek na si Joel Abogado, 48-anyos, at residente sa Brgy Basi East.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng ama at suspek na humantong sa pananaksak at pananaga sa ibat ibang bahagi ng katawan ng biktimang si Pedro Abogado, 70-anyos.

Ayon kay PLT Divina Lagua ng PNP Solana, nagalit ang suspek sa kanyang ama dahil sa ibinentang lupa na hindi ipinaalam sa mga anak.

Sinubukan naman umanong umawat ng kapatid ng suspek na si Analiza Saquing, 40-anyos sa away ng dalawa subalit tinaga din siya ng kanyang kapatid.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo ng saksak sa bahagi ng tiyan ang biktimang si Pedro maging sa kanyang hita at kaliwang braso habang ang isa pang biktima ay nagtamo naman ng sugat ilan pang parte ng kanyang katawan.

Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang dalawang biktima subalit hindi na umabot pa ng buhay ang biktimang si Pedro dahil sa tinamong sugat sa kanyang tiyan, hita at kaliwang braso.

Patuloy naman na nagpapagaling sa pagamutan si Analiza sa tinamong mga sugat sa dibdib, hita at sa iba pang parte ng kanyang katawan.

Narekober naman ng pulisya ang itak na ginamit sa krimen.

Nahaharap sa kasong Parricide at Frustrated Murder ang suspek na nasa kustodiya ng mga otoridad.