TUGUEGARAO CITY- Sinampahan na ng kasong parricide kanina ang isang ama na pumatay sa kanyang sariling anak na 6 years old na babae gamit ang screwdriver sa Iguig, Cagayan kahapon ng umaga.
Sinabi ni PLT Divina Lagua ng PNP Iguig, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, pinuntahan ng lola ang bahay ng apo para sana ihanda sa kanyang pagpasok ng eskwelahan.
Subalit laking gulat niya nang makita na nakahandusay at duguan ang kanyang apo sa kanyang silid.
Agad na dinala ang bata sa ospital sa Tuguegarao City subalit idineklara siyang dead on arrival.
Sinabi ni Lagua na sinakal at sinaksak sa tiyan ng tatlong beses gamit ang screw driver ang bata.
Ayon kay Lagua, hindi nila pa nila mabatid kung ano ang motibo ng ama sa kanyang ginawa dahil sa hindi siya nagsasalita nang isailalim siya sa interogasyon.
Sinabi ni Lagua na agad na binantayan ng mga kamag-anak ang suspek upang hindi siya makatakas hanggang sa dumating ang mga pulis.
Nabatid na tanging ang mag-ama ang nasa kanilang bahay ng mangyari ang insidente dahil sa pumunta ng bayan ng Santa Ana ang ina para bumili ng kanyang mga panindang bagoong at isda.