Tinutugis pa ng mga otoridad sa lungsod ng Tuguegarao ang isang ama na nakapatay sa kanyang sariling anak na 16 anyos na babae kagabi sa Barangay Carig Norte.

Sinabi ni PCAPT Rosemarie Taguiam, information officer ng PNP Tuguegarao na agad na tumakas ang ama na hindi na pinangalanan matapos na masaksak ng ilang beses ang kanyang anak.

Ayon kay Taguiam, batay sa paunang imbestigasyon ng kanilang imbestigador, umuwi ang ama mula sa trabaho at hinanap ang kanyang anak.

Nang malaman ng anak na hinahanap siya ng kanyang ama ay dumiretso siya sa bahay ng kanyang lolo.

Pumunta ang tatay sa bahay ng lolo at dito na umano pinagsasaksak ang anak sa kanyang dibdib na nagbunsod ng kanyang agarang pagkamatay.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Taguiam na iniimbestigahan pa kung ano ang motibo ng ama sa pagpatay sa kanyang anak.

Nabatid na nasa ibang bansa ang ina ng biktima at nag-iisa siyang anak.

Samantala, hustisya ang hiling ng lolo sa pagpatay sa kanyang apo.

Sinabi ni Ginoong Fernando Abana na brutal ang ginawang pagpatay ng kanyang manugang na si Jude de asis Ballad sa kanilang apo.

Ayon kay Abana, nasa loob siya ng kanilang bahay nang sumigaw ang isa niyang anak at sinabihan na puntahan ang kanyang apo dahil sa nag-aaway silang mag-ama.

Nadatnan niya na sinasakal ng kanyang manugang ang kanyang apo na duguan.

Sinabi ni Abana na laging nag-aaway ang mag-ama dahil sa kapabayaan ng kanyang manugang sa kanyang apo ay alam umano ang dalagita na may ginagawang kalokohan ang kanyang ama.

Nabatid na nagtatrabaho sa Taiwan ang ina ng biktima na si Rebecca

Samantala, sumuko na umano ang suspect matapos na tumakas pagkatapos ng insidente.

Pabalik na umano dito sa Tuguegarao ang mga pulis na sumundo sa kanya sa hindi pa binanggit na lugar sa labas ng Region 2.