Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang isang ama na nanuntok sa nakaalitang grupo ng anak na dahilan ng rambulan ng anim na estudyante sa kolehiyo sa isang bar sa Tuguegarao City.

Ayon kay PCAPT Ana Marie Anog, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawang grupo ng mga estudyante na edad 20 hanggang 25 at pawang residente sa lalawigan ng Isabela sa loob ng bahay-inuman sa Brgy Balzain East nitong madaling araw ng Sabado.

Bagamat naawat ng security officers ng bar ang naturang gulo, subalit napansin ng pangalawang grupo na nag-aantay sa labas ng bar ang kanilang nakaalitang grupo, kasama ang tatay ng isa sa mga estudyante.

Dahil dito kung kaya tumawag ng tulong ang isang estudyante ng pangalawang grupo sa kanyang tiyuhin na pulis na naka-base sa Pamplona Police Station.

Sinabi ni Anog, unang sinuntok ng tatay ng estudyante sa unang grupo ang isa sa tatlong miyembro ng pangalawang grupo kaya nagkaroon ng rambulan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kagustuhan naman ng PNP member na matigil ang kaguluhan ay nagpaputok siya ng kanyang issued firearms ng dalawang beses sa itaas, subalit makalipas lamang ang ilang minuto ay muling nanuntok ang ama sa isa pang miyembro ng pangalawang grupo kaya muling nagpaputok ng baril ng isang beses sa itaas ang pulis hanggang sa dumating ang mga rumespondeng pulis.

Agad namang nakatakas ang suspek na ama kung saan patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang punot dulo ng away ng magkabilang grupo na karamihan ay nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin.

Sa ngayon ay inihahanda na ng pulisya ang kasong alarm and scandal na isasampa laban sa mapapatunayang grupo na ugat ng naturang rambulan habang posibleng maharap sa kasong illegal discharge ang pulis kung mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan sa paggamit niya ng baril na labas sa kanyang pagganap sa tungkulin.