Umalis na ang 76-year-old na American na lalaki na ilang linggo na nanirahan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) kahapon.

Ayon sa BI, umalis ang nasabing dayuhan na mula sa Texas noong Sabado papuntang Bangkok, Thailand.

Sinabi naman ng mga awtoridad sa paliparan, nanatili sa NAIA Terminal 3 ang dayuhan dahil sa mataas umano na bayad sa hotel accomodations.

Dumating siya sa paliparan mula sa Bangkok noong January 31 at binibigyan siya ng pagkain ng mga empleyado ng paliparan at mga pasahero.

-- ADVERTISEMENT --

Naiparating ang kanyang sitwasyon sa atensiyon ng US Embassy sa Manila, na nagbigay ng tulong sa dayuhan.

Kinumpirma rin ng BI na ang nasabing dayuhan ay hindi nag-overtay sa bansa.

Matatandaan na nakakuha ng atensiyon sa social media ang nasabing dayuhan dahil sa kanyang pananatili sa paliparan at umaasa sa pagkain na ibinibigay sa kanya.

Sinabi ng dayuhan na mas pinili niya na manatili sa paliparan dahil sa mahal ang mga hotel.

Ayon sa kanya, tumira siya ng ilang araw sa hotel, subalit nagpasiya siya na manatili na lamang sa paliparan.

Hindi naman niya sinabi kung ano ang kanyang dahilan sa pagbisita sa bansa, at tanging sinabi niya na ang plano ay papasyal siya sa isang probinsiya, subalit hindi ito natuloy.

Nabanggit niya na ninakawan umano siya ng pera at kinuha din ang kanyang relo, subalit may natira pa naman umano siyang pera.

Sa kanyang pananatili sa paliparan, natutulog siya sa mga upuan at minsan ay sa semento.