TUGUEGARAO CITY – Nakapagpiyansana at nakalabas na ng kulungan ang isang Amerikano na kinasuhan matapos na magbiro sa paliparan sa Tuguegarao City na may laman na nuclear bomb ang kanilang bagahe.
Sinabi ni PMAJ Junvie Velasco, chief ng Tuguegarao Airport Police Station na P30,000 ang itinakdang pyansa ng korte para sa kasong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law laban kay George Adrien Favarielle ng New Jersey, USA.
Ayon kay Velasco, agad na nagsumbong sa kanila ang isang empleyado ng Cebu Pacific matapos na sabihin ng dayuhan na nuclear bomb ang laman ng kanilang bagahe.
Una rito, tinanong sa asawa ng dayuhan na si Rowena Pascua ng Gonzaga, Cagayan kung may breakable items sa kanilang bagahe bilang bahagi ng protocol sa paliparan.
Sinabi ng ginang na wala, subalit nagtanong din ang dayuhan sa kanyang asawa kung ano ang sinabi sa kanila ng empleyado ng airport kung saan sumagot din siya ng nuclear bomb.
Bagamat sinabi ng mag-asawa na biro lang ang pangyayari kinasuhan pa rin ang dayuhan at dinala sa detention cell ng PNP Tuguegarao.
Nabatid mula kay Velasco na pabalik na sana ang mag-asawa sa New Jersey na umuwi sa Gonzaga dahil sa kaarawan ng ina ng babae.