Suportado ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa Cagayan Valley sa ginanap na pagpupulong ang dalawang mahalagang resolusyon na naunang inaprubahan ng mga member agencies.
Itoy sa pangunguna ni Cagayan Governor Manuel Mamba bilang chairman ng Regional Peace and Order Council (RPOC) matapos hindi makadalo sa nasabing pagpupulong si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na syang Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) dahil sa mahalagang lakad sa Visayas.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mamba na aprubado ng Task Force ang pagbibigay ng amnestiya sa mga rebel returnees at ang pagkontra sa pagsasagawa ng arms live-fire exercise ng mga sundalong Pinoy at Amerikano sa Cagayan na naunang ipinasa ng Provincial at RPOC.
Bukod dito, tinalakay at pinag-usapan din sa meeting ang mga nagawa ng ibat-ibang clusters o ahensya ng pamahalaan upang tugunan ang mga nangyayaring armed conflicts sa lokal na lebel.
Ayon kay Mamba, nawala o kung hindi man ay nabawasan na ang mga gawain ng New Peoples Army (NPA) mula noong nabuo ang Task Force na maituturing na tagumpay ng pamahalaan sa laban nito kontra communist insurgency sa Cagayan.
Dagdag pa rito ang sunod-sunod na pagsuko ng mga miyembro ng makakaliwang grupo kapalit ng pagbibigay ng pamahalaan ng mga programa para sa kanilang pagsisimula ng bagong buhay.
Bukod sa pagsugpo ng mga gawain ng mga komunista, sinabi ni Mamba na mahalaga ang pagtutulungan ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong organisasyon sa pagbibigay ng nararapat na serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan na nasa liblib na lugar na siyang nag-iimpluwensya sa kanila para umanib sa kilusan.
Inihalimbawa din nito ang nangyayaring military takeover o pagpasok ng militar sa pamumuno sa ibang bansa na sanhi ng maling pamamahala ng lider sa kanilang gobyerno.