Ibinunyag ng naarestong suspek sa pagpatay sa negosyanteng Chinese national na si Anson Que o Anson Tan at driver nito na ang nasa likod ng lahat ng krimen ay ang anak mismo ng negosyante.
Dahil dito ay inirekomenda ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP – AKG) sa Department of Justice na imbestigahan si Ronxian Gou o Alvin Que.
Base sa inisyal na imbestigasyon na nagsilbi ang 42-anyos na si Alvin bilang negotiator para sa pamilya habang hawak ng kidnappers si Que.
Siya rin ang nagbayad ng inisyal na P10-M na ransom sa isang cryptocurrency account noong Marso 31 at dagdag na P3-M sa parehas na account noong Abril 2.
Magugunitang si Tan at driver nito ay natagpuang patay noong Abril 9 sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.
Nakalagay ang dalawang bangkay sa nylon bag na nakatali, at ang kanilang mga mukha ay binalot ng duct tape.