Naiproklama na bilang bagong alkalde ng bayan ng Rizal, Cagayan si Jamila Ruma, ang 21-anyos na anak ng nasawing incumbent mayor na si Atty. Joel Ruma.
Si Jamila ang pumalit sa kandidatura ng kanyang ama matapos itong brutal na paslangin habang nangangampanya sa Barangay Iluru noong Abril 23, 2025.
Sa kabila ng trahedya, nanaig ang suporta ng mga mamamayan para sa pamilyang Ruma, at nakalikom si Jamila ng 6,533 boto sa ilalim ng pangalan ng kanyang ama.
Tinalo niya ang mga kalabang sina Ralph Mamauag na may 4,167 boto at Florence Littaua na may 176 boto.
Kasabay nito, naiproklama rin ang kanyang ina, si incumbent Vice Mayor Atty. Brenda Ruma, na muling nanalo sa pagka-bise alkalde matapos makakuha ng 6,683 boto laban kina Pastor Ligas Jr. na may 3,846 boto at Edilberto Jose Jr. na may 40 boto.
Ayon sa Team Ruma, ang kanilang tagumpay ay bunga ng tiwala, dasal, at pagmamahal ng mga mamamayan ng Rizal, na nagsilbing inspirasyon at lakas sa gitna ng matinding pagsubok.
Sa kanyang proklamasyon, emosyonal na hawak ni Mayor-elect Jamila ang larawan ng kanyang ama, bilang pagpupugay sa iniwang pamana ng liderato nito.
Tiniyak ng mag-inang Ruma na ipagpapatuloy nila ang tapat at makataong pamamahala para sa patuloy na pag-unlad ng bayan ng Rizal.