Kabilang sa FBI Most Wanted Fraudsters List ang anak ng isang mayor sa Iloilo matapos umanong sangkot sa pandaraya sa nasa 2,000 investors na nawalan ng mahigit $650,000 o halos P40 milyon.

Kinilala siyang si Rey Grabato II, anak ni Mina Mayor Rey Grabato, na dating naging alkalde rin ng bayan. Ayon sa FBI, sangkot umano siya sa ilang kaso ng securities at wire fraud, gayundin sa isang tax-related scheme.

Naglabas ang FBI ng reward na hanggang $150,000 o mahigit P9 milyon para sa impormasyong makatutulong sa kanyang pagkakaaresto.

May federal arrest warrant na rin laban sa kanya mula pa noong 2022.

Samantala, sinabi ng pamilya Grabato na wala pa umanong opisyal na notice o legal process na naihahatid sa kanya o sa kanyang mga kinatawan.

-- ADVERTISEMENT --

Hiniling din nila ang fairness at respeto sa due process, lalo’t kasalukuyang nagpapagaling si Grabato II mula sa isang malubhang stroke.