Nagtapos bilang Magna Cum Laude si Domingo Gammad Calebag Jr., tubong Amulung, Cagayan, sa Cagayan State University–Andrews Campus, sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in English.

Sa kanyang talumpati bilang Valedictorian ng CTED Batch 2025, ibinahagi niya ang kanyang makabagbag-damdaming kuwento bilang anak ng mga magulang na walang kakayahang bumasa’t sumulat.

Ikinuwento ni Calebag na ang kanyang ama ay may malubhang karamdaman habang ang kanyang ina naman ay isang simpleng manggagawa.

Sa kabila ng limitadong kaalaman at kakayahan, buong puso siyang sinuportahan ng kanyang mga magulang sa abot ng kanilang makakaya.

“I myself grew up from nothing with nothing. Not space, not savings, not even second chances. With parents who don’t even know how to write their names or even sign documents; therefore, a household in which even a high school diploma is just out of reach. But I did grow up with something most people couldn’t see—resilience” ani Calebag sa kanyang talumpati.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinagmalaki rin ni Calebag ang kanyang mga kapatid—mga kabataang tulad niya ay puno ng pangarap, ngunit napilitang huminto sa pag-aaral upang tumulong sa pamilya.

Aniya, “I’ve seen smart, talented people give up—not because they weren’t capable, but because they were exhausted. I’ve seen 14-year-old hopefuls drop out of school to help plough fields and earn just enough to fill the rice jars— my brothers. I’ve seen 16-year-old dreamers lose their spark. Their final days in high school weren’t about graduation—they were about preparing to leave home and serve new families, just to earn something small to help their own survive— my sisters. I’ve watched six dreams crumble, fade, and crash before my eyes—dreams that should’ve been nurtured, dreams that could’ve come true if poverty hadn’t stood in the way.”

Si Calebag ang una sa siyam na magkakapatid na nakapagtapos ng kolehiyo.

Sa kabila ng mga pagsubok at sakripisyong dinanas ng kanyang buong pamilya, tiniyak ni Calebag na hindi masasayang ang bawat patak ng pawis at hirap ng kanyang mga magulang at kapatid.

Mula sa mga simpleng pangarap, unti-unti niyang binuo ang paniniwala na ang edukasyon ay hindi lamang para sa sarili kundi isang paraan upang baguhin ang sistemang pumipigil sa maraming katulad niya.

Para kay Calebag, hindi lang isang piraso ng papel ang diploma, kundi simula ng pagbubukas ng pinto para sa mga susunod pang nangangarap.

Kaya naman sa araw ng pagtatapos, buo siyang humarap sa entablado, hindi lang bilang isang nagtagumpay, kundi bilang isang simbolo ng pag-asa para sa mga gaya niyang minsang halos isuko na ang pangarap.