Umaapela ng tulong ang isang 19-anyos na anak na tulungan ang kanyang ina na nasa Saudi Arabia na mapauwi bansa sa mas lalong madaling panahon dahil hindi na umano nila makontak.

Dumulog sa Bombo Radyo si Erica Martinez Corpuz,panaganay na anak ng overseas filipino worker na si Evelyn Corpuz,39-anyos ng Cauayan City, Isabela, March 23 ,2019 pa umano nila huling nakausap ang kanyang ina at hangang ngayon ay hindi pa nakokontak.

Ayon kay Erica,sa kanilang huling pag-uusap, humihingi umano ang kanyang ina ng tulong para makauwi na sa bansa dahil sa tuwing nag-aaway umano ang kanyang mga amo ay pinagbabalingan siya nang galit ng kanyang among babae.

Bukod pa dito, sinabi ni Erica na nahihilo at lumalabo narin umano ang paningin ng kanyang ina dahil na rin sa dami nang gawain at may mga inaalagaan pang mga bata.

Sinabi pa ni Erica na dalawa hanggang tatlong beses din umanong nagpapalit-palit ng amo ang kanyang ina na hindi nila alam.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya,nagbayad umano ang kasalukuyang amo ng kanyang ina ng P20,000 sa huli nitong amo para makalipat ito sakanila, bago napunta sa kanila.

Si Evelyn ay may apat na anak, tatlo dito ay nag-aaral habang ang bunso ay tatlong taong gulang at mag-iisang taon pa lamang siya sa Saudi Arabia sa hunyo.

Samantala, sinabi ni Erica na una na rin umano silang nagpadala ng sulat sa Malacanang at ilan na rin umano sa mga staff ay tumawag na sa kanya at kumuha ng ilang impormasyon at sitwasyon ng kanyang ina.

Sa ngayon hinihintay nila kung ano ang aksyon ng Malacanang sa sitwasyon ng kanyang ina.

Umaasa si Erica na matutulungan ang ina na makauwi sa bansa nang ligtas at buhay.

Sinabi niya na mas mabuti na lang na kasama nila ang kanilang ina sa hirap kaysa sa sinasaktan sa ibang bansa