Nagpahayag ng pagkabahala ang mga heritage at history advocates matapos maiulat ang patuloy na paggiba sa De Jesus-Del Rosario-Lucena Ancestral House sa Bilibid Viejo, Quiapo, Maynila na dating pag-aari ng bayaning si Gregoria de Jesus o mas kilala bilang “Oriang.”

Ayon sa mga tagapagtaguyod ng kasaysayan, unti-unti umanong binabaklas ang mahigit 150 taong gulang na bahay mula pa noong Marso kahit wala umanong kinakailangang demolition permit at historical clearance.

Kinumpirma naman ng barangay at ng Manila Department of Engineering and Public Works na wala silang inilabas o natanggap na permit kaugnay ng naturang demolisyon.

Batay sa mga ulat, isang Chinese national umano ang bagong may-ari ng ari-arian, bagaman wala pang opisyal na pahayag mula sa kasalukuyan at dating may-ari ng bahay.

Paalala ng mga heritage advocates, ipinagbabawal sa ilalim ng National Cultural Heritage Act of 2009 ang pagsira, pagbabago, o paggiba ng mga cultural property nang walang pahintulot mula sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas ay maaaring maharap sa multa at pagkakakulong.