TUGUEGARAO CITY-Napabayaan na paggatong na may siga ang nakikitang sanhi ng pagkasunog ng anim na bahay sa Barangay Patagueleg, Peñablanca, Cagayan kaninang madaling araw.

Sinabi ni SFO2 Jonathan Remigio, imbestigador ng Bureau of Fire Protection o BFP Peñablanca, nagsimula ang apoy sa tirahan ni Carl JT Narag hanggang sa nadamay na ang mga katabi nitong limang bahay.

Ayon kay Remigio, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa ang mga ito sa light materials tulad ng plywood at isang metro lang ang layo ng bawat isang bahay.

Sinabi pa ni Remigio na maliliit na bahay ang nasunog dahil ang mga naninirahan ay pawang mga tenants, nagtatrabaho sa construction, habang ang iba ay miembro ng 4Ps.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Remigio na tinatayang nagkakahalaga ng P250, 000 ang danyos ng tinupok ng apoy.

Ayon kay Remigio, sa ngayon ay inilalakad na ng mga nasunugan sa kanilang munisipyo ang matatanggap nilang financial assistance mula sa kanilang lokal na pamahalaan.