TUGUEGARAO CITY- Isinailalim sa 14 days na granular lockdown ang anim na barangay sa Tabuk City, Kalinga na magtatagal hanggang September 19, 2021.
Sinabi ni Mayor Darwin Estrañero, kailangan nilang ilagay sa granular lockdown ang mga barangay ng Dagupan Centro, Dagupan West, Bulanao Centro at Norte, Agbannawag at Lacnog dahil sa mataas na kaso ng covid-19 sa mga nasabing lugar.
Ayon kay Estrañero, nakakaalarma na ang biglang pagtaas ng virus sa Tabuk City dahil sa mga nakalipas na buwan ay nakapagtala lamang sila ng 51 active cases subalit sa ngayon ay umaabot na sa mahigit 400.
Sinabi ng alkalde na tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang contact tracing sa mga close contacts ng mga nagpositibo sa virus upang agad na makagawa ng kaukulang aksion.
Kaugnay nito, sinabi ni Estrañero na nakakatulong sa kanila ng malaki sa kanilang pagpigil sa hawaan ng virus ang mabilis na paglabas ng resulta ng mga swab samples dahil sa pagkakaroon nila ng sariling molecular laboratory na matatagpuan sa Agbannawag.
Samantala, sinabi ni Estrañero na bukas naman sila sa mga nagnanais na pumunta ng Tabuk City subalit kailangan na sumunod sa mga protocols tulad ng pagpapakita ng medical certificate at nagatibong resulta ng antigen o swab test para sa taga-labas ng lungsod at Kalinga at kung nabakunahan na ay ipakita lamang ang vaccination card.