Muling nakapagtala ng panibagong kaso ng African Swine Fever (ASF) ang anim na bayan at isang slaughter house sa probinsya ng Cagayan.

Ito ay naitala mula nitong Disyembre 2021 hanggang Enero ngayong taon kung saan kabilang sa mga apektado ay ang mga bayan ng Enrile, Amulung, Tuao, Sta. Teresita, Gattaran at Alcala.

Batay sa isinagawang environmental swabbing ng Department of Agriculture (DA) Region 2, nagpositibo rin sa virus ang isang bahay katayan sa bayan ng Ballesteros.

Ayon kay Dr. Manny Galang, ASF Focal Person, kabilang sa dahilan ng muling pagkakaroon ng ASF sa mga nasabing bayan ay ang pagkakatay ng baboy sa mga bakuran at ang pagpupuslit ng mga hindi dokumentadong frozen meat products.

Inihayag nito na hindi na makakatanggap ng ayuda ang mga apektadong magsasaka maliban nalamang sa mga nakapagparehistro sa Registry System for Basic Sector in Agriculture sa bawat municipal at city agriculture office.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay hinikayat naman ni Galang ang mga hog raisers na ipasiguro ang kanilang mga alagang baboy sa Philippine Crop Insurance Corporation upang makatanggap ng tulong sakaling maapektohan ng ASF.

Tiniyak naman ng ahensya ang paglalatag ng mahigpit na panuntunan upang hindi maapektohan ang ginagawang repopulation program ng DA.

Bukod sa probinsya ng Cagayan ay nakapagtala din ng kaso ng ASF sa bayan ng Maddela, Quirino na agad namang inaksyunan ng naturang ahensya.