Anim na Grade 12 students ang maswerteng nakaligtas sa pamamaril habang nasa loob ng kanilang sasakyan sa Barangay Marauoy, Lipa City, Batangas.

Ayon sa Batangas Police Provincial Office, naganap ang insidente bandang alas-2:30 ng madaling araw nitong Martes, nang pagbabarilin ng suspek ang kotse na sinasakyan ng anim na estudyante habang pauwi na sila.

Batay sa imbestigasyon, posibleng napikon at nagalit umano ang suspek matapos pindutin ng isa sa mga estudyante ang doorbell ng kaniyang bahay.

Agad namang tumakas ang mga estudyante at isinumbong ang insidente sa pulisya.

Sa isinagawang follow-up operation, naaresto ng mga pulis ang suspek kung saan nabawi sa kaniya ang isang caliber .45 na baril na may dalawang bala.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa kustodiya na ng Lipa Component City Police Station ang suspek at inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa kanya, kabilang ang Attempted Murder at paglabag sa Republic Act No. 7610.