Tuguegarao City- Kulong ang anim na kataong nangikil sa tatlong private contractor matapos ikasa ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 ang entrapment operation Santiago City.

Kinilala ang mga suspek na sina, Adrian Martinez, Julious Galupo, kapwa mula Quezon City, Gema Obra, Joseph Atara, Rodthel Chan pawang mula sa Isabela at Rey Carl Calumpit ng Claveria, Cagayan.

Sa panayam kay Atty. Gelacio Bongngat, Direktor ng NBI Region 2, target ng mga suspek na biktimahin ang mga private contractor sa rehiyon.

Sinasabi ng mga suspek na inirerekomenda sila ng isang alkalde sa isang bayan sa Nueva Vizcaya at kakilala din umano nila na isang Sally na umano’y kapatid ni Sec. Windel Avisado ng Department of Budget and Management.

Sinasabi pa aniya ng mga ito na kaya nilang maglabas ng pondo sa DBM para sa mga itatayong proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit, kailangang magbigay ang mga contractor ng paunang bayad na P4M bilang bahagi ng Standard Operating Procedure (SOP) mula sa 30% na kabuuang halaga ng proyektong aabot sa P62M.

Dahil dito ay sumangguni na ang mga contructor sa NBI Region 2 upang maaksyunan ang pambibiktima ng mga nasabing suspek.

Ayon kay Atty. Bongngat marami na umanong nabiktima ang mga suspek sa rehiyon.

Iniimbestigahan na rin ngayon ang koneksyon ng mga suspek sa mga isinangkot na pangalan ng mga opisyal.

Nahaharap ang anim na suspek sa kasong robbery extortion at estafa na kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI region 2 habang isa sa kanila ang nasa isolation room matapos magpositibo sa rapid test.