Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na anim na senatorial candidates sa 2025 May midterm polls ang tumanggap ng donasyon mula sa contractors.
Sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia, nakita ng komisyon na 26 na contractors ang nagsilbing donors sa nakalipas na mga eleksyon.
Ayon kay Garcia, may mga national at local candidates ang tinulungan ng mga contractor, kung saan anim sa mga ito ay mga senador.
Subalit tumanggi si Garcia na pangalanan ang mga nasabing senador at ang mga contractor.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na kailangan munang magsagawa ng beripikasyon ang Comelec sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung ang mga contractor ay may proyekto sa gobyerno.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga contractor sa government projects ay bawal na magbigay ng pondo sa mga kandidato.
Samantala, sinabi ni Garcia na sa 2022 election, 55 contractors ang nakita nilang donors sa maraming kandidato.
Sinabi ni Garcia na ang isa sa mga nasabing contractor ay inamin na mayroon itong government projects kaya nagsagawa ng imbestigasyon ang Comelec.
Ayon sa kanya, nakapagsumite na ang contractor at kandidato ng kanilang paliwanag sa nabanggit na P30 million donation.
Sinabi niya na inaasahan na maglalabas ang Comelec ng resolusyon sa kaso ngayong buwan.
Matatandaan na sinabi ni Centerways Construction and Development Inc. president Lawrence Lubiano nitong nakalipas na buwan na ang P30 million na donasyon niya kay Senator Francis Escudero noong 2022 campaign period ay mula sa kanyang sariling bulsa.
Inamin din ni Escudero na kaibigan niya si Lubiano at kinumpirma niya na isa siya sa kanyang campaign contributors sa kanyang senatorial campaign noong 2022.
Gayunpaman, pinabulaanan niya na nakikialam siya sa negosyo at mga kontrata ni Lubiano sa gobyerno.