TUGUEGARAO CITY-Inilunsad ang Animal Kingdom Foundation ng “online adoption drive” para sa mga nagnanais na mag-alaga ng aso at pusa.
Ayon kay Atty. Heidie Caguioa,program director ng Animal Kingdom Foundation, kinukulang na ang kanilang pondo para sa mga na re-rescue na inaabandonang aso at pusa dahil sa pagbaba ng natatanggap na donasyon mula sa mga private establishment na una ring naapektuhan dahil sa covid-19.
Ramdam din aniya ang hirap na dulot ng nararanasang krisis dahil sa naturang virus kung kaya’t kanilang naisipan ang naturang hakbang.
Kaugnay nito , nasa sampung aso na ang kanilang naibigay sa mga nagpahiwatig na nais mag-alaga ng aso.
Tiniyak naman Caguioa na dumaan sa tamang proseso at pet friendly ang mga pinagbigyan ng mga alagang aso at pusa.
Sa ngayon, sinabi ni Caguioa na may 140 na aso at pusa ang kasalukuyan nilang inaalagan.
Sa kabila ng kakulangan ng pondo, sinabi ni Caguioa na patuloy at handa pa rin ang kanilang grupo na tumulong at kumupkop sa mga inaabandong aso at pusa.
Nanawagan ang grupo sa mga pet lover na nais mag-adopt ng alagang aso at pusa na makipag-ugnayan lamang sa kanila.