Marami ang nangangamba sa pagtaya na muling babalik at mananalasa sa loob Philippine Area of Responsibility ang bagyong Kristine na may dalang malakas na hangin at maraming ulan na nagbunsod ng mga pagbaha, pagguho ng lupa, at nag-iwan ng malaking pinsala sa maraming lugar sa bansa.

Sinasabing may posibilidad ang nasabing senaryo dahil sa tinatawag na Fujiwhara Effect.

Ano nga ba ang Fujiwhara Effect?

Ito ay isang pangyayari sa pagitan ng dalawang paikot na pagkilos ng bagyo (o vortex).

Maglalapit ang dalawang vortices hanggang kalaunan ay iikot silang dalawa sa isang bahagi o sentro.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagitan ng dalawang hindi pantay na vortices, dodominahin ng mas malaki ang interaksiyon at iikot ang mas maliit dito.

Dalawang pares na ng bagyo sa Pilipinas ang sumapit sa Fujiwhara Effect, isa na ang nangyari kina Bagyong Pepeng at Bagyong Quedan noong 2009.

Matatandaan, kakatapos lamang ng Bagyong Ondoy na nanalasa sa kalakhang bahagi ng Luzon kasama ang lalawigan ng Pangasinan ng dumating ang malakas na hangin na dulot ng Bagyong Pepeng. Ngunit paglabas nito sa isla ng Luzon, hinila itong pabalik ng Bagyong Quedan, sa tinatawag na Fujiwhara Effect.

Noong 2007 ay sinapit na rin ito ng nga Bagyong Hagibis at Mitag.

Sa pagtaya, maliit ang tsansa na mangyari ang Fujiwhara Effect sa bagyong Kristine na nasa labas na ng PAR, subalit habang papalayo ito sa bansa ay posibleng hatakin ito ng panibagong bagyo na may international name na Kong-Rey at tatawagin naman na “Leon” kapag pumasok na ito sa PAR.

Huling namataan ang bagyong nabuong bagyo sa labas ng PAR sa layong 1,825 kilometers sa silangan ng Central Luzon.