Tuguegarao City- Bumuo ng Anti-Illegal Logging Task Force ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan bilang tugon sa tumitinding iligal na pangangahoy sa mga kabundukan sa probinsya.

Kaugnay nito ay nagsagawa ng Memorandum of Agreement (MOA) signing si Gov Manuel Mamba sa DENR Region 2, PENRO Cagayan, PNP Cagayan, kasundaluhan, Philippine Coast Guard, Hukbong Pandagat ng Pilipinas at iba pang concerned agencies para sa paglaban sa illegal logging.

Sa naging pahayag ni Gwendolyn Bambalan, director ng DENR Region 2, ipinaalala nito ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan lalo na ngayong nararanasan na ang mga epekto nito sa pagbabago ng panahon.

Tiniyak ni Bambalan na iimbestigahan ng kanilang tanggapan katuwang ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan ang iligal na mga nangyayaring pangangahoy sa kabundukan upang mapigilan ang paglala nito.

Ayon sa kanya ay marami umanong mga naaanod na kahoy mula sa matataas na bahagi ng bundok sa northern part ng Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi naman ni Atty Ismael Manaligod, Director ng PENRO Cagayan, bubuo sila ng comprehensive forest protection plan bilang hakbang upang matiyak na mapapangalagaan ang kabundukan sa pagkakalbo.

Aniya, dapat magtalaga ang mga LGUs ng mga depository areas para sa mga makukumpiskang mga kahoy sa kanilang mga sakop na lugar.

Lahat aniya ng mga makukumpiskang kahoy ay iipunin at ipepreserba upag sakaling may ahensya ng pamahalaan ang mangailangan ay idodonate ito upang mapakinabangan.

Inihayag naman ni PCOL Ariel Quilang, Director ng PNP Cagayan, sa kasalukuyan ay nakakumpiska ang kanilang hanay ng aabot sa mahigit P5.5M na halaga ng mga pinutol na mga kahoy.

Kaugnay nito ay mayroon din aniyang mahigit isang libong chainsaw ang inisinuko sa kanilang tanggapan, 62 ang nakumpiska, mahigit 400 ang nahuling illegal loggers at 464 naman ang sinampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o illegal logging law.