Inihayag ni Kalinga Congressman Allen Jesse Mangaoang na walang puwang ang insurhensiya sa nasabing lalawigan.
Bagama’t aminado ang mambabatas na ilang dekada na naging kuta ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang Kalinga at Apayao subalit unti-unti naman itong natugunan.
Aniya, inilipat sa pangangasiwa ng pambansang pulisya ang majority internal security operations mula sa Armed Forces of the Philippines noong 2008 dahil sa paghina na ng makakaliwang grupo sa lugar.
Sinabi ni Mangaoang na tanging ang mga namomonitor lang ay ang pagdaan ng makakaliwang grupo sa mga upland municipalities na hindi pa gaano naaayos ang infrastructure project tulad ng mga kalsada.
Sa isinagawang groundbreaking ceremony ng tatlong proyekto sa ilalim ng ‘Support to Barangay Development Project’ ng anti-insurgency task force, siniguro ni Mangaoang na suportado ng Kongreso ang mga development project sa mga liblib na lugar sa pamamagitan ng pag-apruba sa mga magagamit na pondo.