Muling isinusulong ng Makabayan bloc sa kamara ang matagal nang inaasam na anti-political dynasty bill, sa pamamagitan ng House Bill 209 na inihain nina Rep. Antonio Tinio (ACT Teachers) at Rep. Renee Co (Kabataan) noong Hunyo 30.

Layunin ng panukalang ito na tuldukan ang paghahari-harian ng mga pamilya sa gobyerno, kung saan paulit-ulit o sabay-sabay silang humahawak ng puwesto sa pamahalaan.

Sa ilalim ng panukala, itinuturing na “political dynasty” ang sinumang pamilya o angkan na sabay o sunod-sunod na nakapuwesto sa gobyerno — kabilang na rito ang mga kamag-anak hanggang ikaapat na antas ng consanguinity o affinity gaya ng pinsan, tiyuhin, tiya, manugang, bayaw, at maging mga step-relatives.

Bawal ding tumakbo agad ang kaanak ng isang opisyal matapos ang termino nito — kailangang may ibang taong di-kaanu-ano ang maupo muna sa puwesto bago siya muling makatakbo.

Kailangan ding magsumite ng sworn statement ang lahat ng kandidato sa Comelec na hindi sila kaanak ng sabay ding tatakbo o kasalukuyang nakaupo sa puwesto.

-- ADVERTISEMENT --

Bibigyan ng kapangyarihan ang Comelec na imbestigahan o diskalipikahin ang sinumang lalabag.

Sa kabila ng matagal nang nakasaad sa Konstitusyon ang pagbabawal sa political dynasties, higit 80% ng mga kongresista sa 20th Congress ang mula sa mga political families, ayon sa PCIJ.

Sa senado, halos isang-katlo ay binubuo ng magkakapamilya.

Bagamat ironic, ilang miyembro ng political dynasties gaya nina VP Sara Duterte at Sen. Erwin Tulfo ang nagpahayag ng suporta sa naturang panukala.

Ngunit bago tuluyang maisabatas, kailangang makalusot ang panukala sa tatlong pagbasa sa parehong Kamara at Senado, pati na rin sa bicameral conference committee upang pag-isahin ang bersyon ng parehong kapulungan.