Nangangamba ang bayan ng Aparri sa napapabalitang muling pagsasagawa ng dredging activity ng Chinese company sa bukana ng ilog Cagayan sa nasabing munisipalidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Bryan Chan ng Aparri na apektado ng aktibidad ang pangkabuhayan ng mga mangingisda sa lugar dahil nabulabog at lumayo ang mga isda nang simulan nang hukayin ang ilog.
Subalit, unti-unti na umanong bumabalik ang masiglang pangkabuhayan ng mga mangingisda noong tumigil ang aktibidad ilang buwan na ang nakalilipas.
Ayon kay Chan na tutol ang mga mamamayan na muling bumalik ang operasyon ng dredging dahil sa nasisira nito ang marine life na nakakaapekto sa pangkabuhayan ng mga mangingisda at sa kalikasan.
Dahil dito, nagpapadala sila ng sulat sa provincial government ng Cagayan para iparating ang hinaing ng mga mamayan na tutol sa lumalabas na impormasyon na muling pagbabalik ng dredging operation sa bukana ng ilog Cagayan.
Binigyang diin ni Chan na sana ay hindi na sila babalik sa operasyon dahil talagang malaking problema ang pagpapatigil kung magkakaroon ulit ng operasyon
Sa ngayon aniya ay tumigil na ang operayon at wala na rin umanong barko sa lugar.
Tiniyak ng alkalde na hindi papayagan ng kaniyang tanggapan kung may magpapaalam na magsagawa ulit ng dredging activity sa bukana ng Cagayan river.
Ayon kay Chan na nagbibigay ang lokal na pamahalaan ng tulong sa mga mangingisda.
Sa ngayon ay ipinatutupad ang close season sa panghuhuli ng alamang na isa sa mga produkto ng Aparri para maparami ang mga ito at masustain ang Aramang festival ng munisipalidad.
Ipinatupad ang pagbabawal sa paghuli ng alamang mula September 1 hanggang November 15 bawat taon noong 2015.
Nasa mahigit 12,000 ang mga rehistradong fisherfolk sa bayan ng Aparri ayon kay Mayor Chan.
Matatandaan na ipinatupad ang dredging activity sa Cagayan river sa layunin matanggal ang mga sand bar at mapalalim para maging mabilis ang daloy ng tubig sa Cagayan river para maiwasan ang pagbaha sa upper stream.