Hindi makapaniwala ang isang lalaki sa Shanghai, China nang makita ang pinapaupahan niya na apartment sa loob ng dalawang taon na ginawang manukan at nasira na.
Nadiskubre ng lalaki ang ginawa sa kanyang apartment ng may nagreklamo na mga kapit-bahay na may naririnig sila na kakaibang ingay at may umaalingasaw na hindi magandang amoy sa apartment na kanyang ipinaupa dalawang taon na ang nakalipas.
Hindi kasi dinadalaw ng lalaki ang apartment dahil sa nagbabayad naman ang umupa nito, hanggang nitong nakalipas na buwan na tinignan niya ito at laking gulat at pagkadismaya niya dahil sa maraming manok.
Sinabi ni landlord na malaki ang sira ng apartment at kulang na kulang umano ang renta ng tenant para sa pagsasaayos dito.
Ayon sa lalaki, nalulungkot siya na ang bahay na pinagpaguran niya ay nilapastangan ng umupa.
Sinabi niya na agad niyang tinawagan ang pulisya nang makita ang ginawa sa kanyang apartment.