
Tinutugis na ng mga awtoridad sa California ang taong responsable sa pamamaril na nag-iwan ng apat na patay kabilang ang tatlong bata, sa isang kasiyahan ng pamilya sa banquet hall sa Stockton, California.
Sinabi ni Heather Brent, spokesperson ng San Joaquin County Sheriff’s Office, ang mga namatay na mga bata ay edad walo, siyam at 14.
Kabilang din sa namatay ang isang 21 anyos.
Sinabi ni Brent na nangyari ang pamamaril sa birthday party ng isang bata.
Ayon sa kanya, patuloy ang kanilang paghahanap sa mga posibleng mga suspek.
Bukod dito, sinabi niya na inaalam na rin nila ang motibo sa nasabing pamamaril.
Kaugnay nito, sinabi ni Jason Lee, vice mayor at council member ng Stockton na nakakalungkot at nakakagalit ang nasabing insidente.
Ayon naman kay Mayor Christina Fugazi, naging malagim ang dapat sana ay masayang selebrasyon, at umaasa siya na mahuhuli ang mga salarin.










