

Tuguegarao City- Negatibo sa COVID-19 ang apat mula sa anim na mga paring may pagkakasalamuha sa isang pari na nagpositibo sa virus.
Ito ay batay sa isinagawang swab test sa mga ito habang naka self isolate.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Father Garry Agcaoili ng Saint Vincent Ferrer Parish Church-Solana, Cagayan at head ng binuong Tuguegarao Archdiocesan Anti-COVID-19 Management Team, kasama siya sa mga nagnegatibo sa virus na may pakikisalamuha kaya’t patuloy ang kanyang self quarantine.
Inihayag nito na kabilang sa mga kasamahang nagnegatibo sa virus sina Fr. Francis Miguel, Fr. Andy Gumangan at Fr. Andy Semana.
Aniya, sa ngayon ay dalawang pari nalamang ang hinihintay ang resulta ng swab test at umaasa silang magnenegatibo din ang mga ito sa sakit dahil nasa maayos namang kondisyon.
Sinabi pa ni Agcaoili na maayos din ang kalagayan ng kasamahan nilang pari na unang tinamaan ng virus na ngayon ay nakaquarantine sa Municipal Isolation Facility ng Enrile.
Hinikayat naman nito ang publiko na kumain ng masustansya, pamalagiin ang pagkakaroon ng sapat na tulog at pananalangin upang mapalakas ang immune system.
Ipinaalala pa ni Agcaoili ang pagsunod sa mga precautionary standards upang makaiwas sa banta ng nakamamatay na sakit.










