TUGUEGARAO CITY- Isasailalim sa lockdown ang apat na barangay sa Tabuk City sa Kalinga dahil sa pagtaas ng kaso ng covid-19 simula January 18 hanggang 22.
Sinabi ni Aurora Amilig, information officer ng LGU Tabuk na ang mga barangay na isasailalim sa lockdown ay ang Bulanao Centro na may 51 cofirmed cases, Bulanao Norte na may 13, Agbannawag at Bago Dangwa na may tig- walong kaso.
Ayon kay Amilig, nagkaroon ng community transmission matapos ang 22 na confirmed cases ng covid-19 ay pumunta sa mga nasabing lugar para sa makilamay sa patay.
Sa ngayon ay aniya ay umaabot na sa 120 ang confirmed cases ng covid-19 sa Tabuk City.
Kaugnay nito, sinabi ni Amilig na punuan na ng mga covid-19 related patients ang Kalinga Provincial Hospital at mga isolation facilities.
Dahil dito, sinabi niya na dapat na magkaroon ng quarantine facilities ang bawat barangay sa kanilang lugar dahil sa tiyak na magkukulang ang espasyo sa mga itinalagang isolation at quarantine facilities habang nagsasagawa sila ng contact tracing.
Sa kabila nito, umaasa si Amilig matatapos na sa susunod na buwan ang ipinapatayong isolation facility sa Agbannawag na para sa mga asymptomatic na mga covid-19 patients.
Kasabay nito, umaapela si Amilig sa mga mamamayan ng Tabuk na sumunod sa mga health protocols upang maiwasan na dumami pa ang kaso ng covid-19 sa kanilang lugar.