Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na empleyado dahil sa pakikipagsabwatan sa “fixers” na nag-aalok ng mabilis na paglalabas ng clearance certificates kapalit ng bayad na mula P800 hanggang P2,000.
Isinailalim na ang apat na personnel sa ilalim ng NBI Information and Communication Technology Division sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) sa kasong direct bribery sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code.
Inaresto rin ang pitong “fixers” sa labas ng NBI Clearance Center sa Ermita, Manila.
Sila ay kakasuhan ng paglabag sa Section 21 ng Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act.
Una rito, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, may natanggap silang impormasyon na nakikipagsabwatan umano ang mga nasabing personnel sa fixers para sa pagkuha ng clearance certificate.
Matapos ang beripikasyon sa nasabing impormasyon, nagsagawa ng entrapment operation ang Cybercrime Division and Special Task Force ng NBI kung saan inaresto ang 11 suspects.