Ligtas na nai-turn over sa Bureau of Immigration sa Aparri ang apat na foreign nationals matapos na ma-rescue ng mga otoridad ang palutang lutang nilang sailboat sa karagatang sakop ng Isla ng Calayan, Cagayan.
Ayon kay Coast Guard Ensign Jessa Pauline Villegas ng Coast Guard District Northeastern Luzon, agad nakipag-ugnayan sa Coast Guard sub-station Calayan ang mga nakakitang mangingisda dakong 2:00 am ng Pebrero 5.
Kabilang sa mga sakay ng sailboat ay ang Swedish national na si Sazid Hazan Boby Shiek, 19 anyos kasama ang tatlong Peruvian nationals na sina Richard Rodriguez Ventura, 48 anyos, Victor Genaro Altamirano Palomino, 57 anyos at si Ulian Oswaldo Rodriguez Ventrura, 52 anyos.
Sinabi ni Villegas na batay sa salaysay ng apat na banyaga ay plano lamang sana nilang maglayag sa karagatan mula Panama tahak ang Pacific Ocean patungong Asya at muli ring babalik sa kanilang pinaggalingang bansa.
Ngunit buwan ng Disyembre noong 2022 ay nagkaroon ng sama ng panahon sa karagatan kung kayat nasira ang makina ng kanilang sailboat at naubusan din ito ng gasolina at hinayaan na nila itong nagpalutang-lutang sa karagatan hanggang mapadpad na sa isla ng Calayan.
Sinabi rin aniya ng mga foreign nationals na nawalan din sila ng linya ng komunikasyon habang nasa dagat kaya hindi na sila nakahingi pa ng tulong.
Samantala, sinabi naman ni Mayor Joseph Llopis ng Calayan na bagamat wala namang nakitang kahinahinalang pagkilos sa apat na indibidwal at wala ring nakitang mga kontrabando sa kanilang kagamitan ay ipinauubaya na nila sa Bureau of Immigaration ang pag-iimbestiga kung sila ba ay may mga kinasasangkutang gusot sa pinagmulang mga bansa.
Inihayag niya na may dalawang nakitang passport naman mula sa dalawa habang walang hawak na passport ang dalawa sa kanila.
Gayonman ay malugod naman aniyang tinanggap ng LGU Calayan ang apat hanggang sa maihatid sa pangangalaga ng Bureau of Immigaration.