Tatlo pang guro sa Oton, Iloilo ang iniimbestigahan ng pulisya dahil sa umano’y pangmolestiya sa mga estudyante.

Kasunod ito ng ulat laban sa isang guro na tinaguriang si “Sir Mar”, na inakusahan ng pang-aabuso sa dalawang lalaking estudyante na edad 13 at 14.

Ayon kay Police Staff Sergeant Ma. Elena Doliguez, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Oton Police station, patuloy ang imbestigasyon nila batay sa mga nakita nilang screen shots.

Sinabi niya na kung sakali na may makuha na ibang biktima, maghahain sila ng kaso sa mga sangkot sa nasabing kaso.

Dalawa umano sa mga iniimbestigahan na guro ay mga kasamahan ni “Sir Mar” sa Oton National High School (ONHS), habang nasa Oton Central Elementary School ang isa pa.

-- ADVERTISEMENT --

Napag-alaman na kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act ang isasampang reklamo ng pulisya laban kay “Sir Mar.”

Kasabay ng pangangalap ng karagdagang dokumento sa pagsasampa ng reklamo, hinikayat ni Doliguez ang iba pang biktima na magsumbong at magreklamo at mabigyan ng hustisya ang kanilang naging hindi magandang karanasan.

Napag-alaman din na inilipat na si “Sir Mar” sa Department of Education (DepEd) District sa Oton habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ikinadismaya naman ito ng ina ng isa sa mga biktima.

Sinabi ng ina na hindi sapat na ilipat lamang ang guro, sa halip ay patawan ng mas mabigat na parusa.

Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd Division ng Iloilo, na binigyan ng 72 oras ang mga iniimbestigahang guro para magpaliwanag.

Ipinapaubaya naman ng alkalde ng Oton sa pulisya at DepEd ang imbestigasyon sa insidente.

Sa isang press conference ng Oton National High School nitong Biyernes ng hapon, tiniyak ng principal ng paaralan na tutulungan sa psychological intervention ang mga bata.