Naharang sa PNP checkpoint sa Tuguegarao City ang isang pick-up na sakay ang apat na katao dahil sa paggamit ng pekeng tig-P1000 bill sa iba’t ibang convenience store sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay PMAJ Gary Macadangdang, hepe ng PNP Gattaran, nagtungo sa kanilang tanggapan ang store manager ng isang convenience store sa Brgy. Centro Norte matapos daw silang mabilhan ng mga produkto gamit ang pekeng pera.

Patungo naman ng Tuguegarao City ang sasakyan kaya inalarma ng PNP Gattaran ang mga pulis sa karatig na bayan kabilang na ang checkpoint sa Brgy. Namabbalan, Tuguegarao City kung saan dito naharang ang sasakyan at hinuli ang apat na sakay nito.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok sa convenience store sa Gattaran ang tatlong menor de edad na kinabibilangan ng 14 anyos na lalaki at dalawang babae na edad 16 at 17 at bumili ng inumin at pagkain sa halagang P200 gamit ang pekeng P1, 000 bill na natukoy na peke sa pamamagitan ng money detector habang nag-antay naman sa sasakyan ang 25 anyos na driver na pawang mga residente ng Novaliches, Quezon City.

Nakuha sa sasakyan ng mga suspect ang aabot sa P81, 000 cash na pinaniniwalaang peke ang iba, grocery items at anim na resibo mula sa iba’t ibang convenience store sa lalawigan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Macadangdang, posibleng marami na ang naikalat na pekeng pera ang mga nahuli lalo na at mula Metro Manila ay dumaan ang mga ito sa Ilocos region bago pumunta sa Cagayan.

Ngayong araw ay nakatakdang sampahan ng kaso ang mga suspek sa paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and other Instruments of Credit.

Dagdag pa ni Macadandang, posibleng ginagamit ang mga suspect ng sindikato dahil sa sila ay menor de edad kaya nagsasagawa ngayon ng follow up operation ang pulisya.