Nahaharap sa patung-patong na kasong paglabag sa RA 10591 o pag-iingat ng iligal na baril na may kaugnayan sa Omnibus Election Code, paglabag sa Batasang Pambansa No. 6 at Alarms and Scandals ang apat na kalalakihang nagpaputok ng baril at nanggulo sa isang KTV Bar sa Gonzaga, Cagayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Jake Taruc, 28 anyos; Jonard Torrecer, 21 anyos; Ariel Pimentero, 21 anyos; at si Ariston Doniego, 35 anyos pawang mga residente ng Barangay Pattao, Buguey, Cagayan.
Ayon kay PCPL Jeremyl Solier, imbestigador ng PNP Gonzaga, nakita sa CCTV footage ng KTV bar ang ginawang pagpapaputok ng baril ni Taruc kung saan, nang respondehan ng pulisya ay agad namang nakaalis sa lugar ang kanilang grupo.
Gayonman ay naharang aniya ang apat na suspek na sobrang lasing lulan ng isang hi-lux sa mismong checkpoint area sa tapat ng himpilan ng PNP Gonzaga.
Nang kapkapan ay nakuha sa mismong pag-iingat ng mag ito ang kanilang dala-dalang Cal. 45 na may magazine at 12 bala at isa pang unit ng Cal. 45 na mayroon namang magazine at pitong bala, isang pang extra magazine na may pitong bala, isang holster, isang knife, apat na cellphone, dalawang wallet at cash na nagkakahalaga ng Php19,100.
Sa pagsisiyasat ng pulisya ay sinabi ni Solier na nakita naman sa kalsada at mismong tapat ng KTV Bar ang 13 basyo ng bala ng Cal. 45 na ginamit ni Taruc sa pagpapaputok.
Nabatid pa na bago maganap ang insidente ay wala namang naganap na alitan sa nasabing bar na maaring kinasangkutan ng mga suspek.