Huli ang apat na kabataang kinabibilangan ng tatlong menor de edad matapos pagnakawan ang isang paaralan sa bayan ng Villaverde, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMAJ Nova Lyn Aggasid, hepe ng PNP Villaverde, ang mga kabataang suspek ay edad 14, 17 at 18 at sila umano ay nasa impluwensya ng alak ng akyatin ang bakod sa likod ng Bintawan National High School at pinasok ang ibat ibang mga opisina at computer laboratory ng eskwelahan.

Gamit ang martilyo ay binuksan aniya nila ang computer room at ang steel cabinet kung saan nakatago ang mga tinangay na tatlong laptops at 14 ma tablets na may tatak na DepEd at nagkakahalaga ng mahigit P301K.

Saad ni Aggasid, agad nirespondehan ng mga otoridad ang tawag sa eskwelahan ng ireport na nilooban sila at nanakawan ng mga kagamitan at nakita nila sa koridor ng computer laboratory ang bakas ng dugo na galing sa sugatang suspek.

Dahil dito ay mabilis namang nakipag-ugnayan ang pulisya sa rescue unit ng kanilang munisipalidad at dito nila nalaman na mayroon silang edad 17 na nirespondehang sugatan ang paa.

-- ADVERTISEMENT --

Nang puntahan ang sinasabing nasugatan ay dito nila natukoy na isa siya sa mga nanloob sa paaralan at nasugatan siya dahil hindi niya nakontrol ang kanyang sarili dahil sa kalasingan kaya sumabit siya sa matalas na bahagi ng bakod.

isiniwalat nito ang pagkakakilanlan ng kanyang mga kasamahan at lahat sila ay pawang may record na ng kasong pagnanakaw sa himpilan ng pulisya.

Sinabi ni Aggasid na isinailalim sa inquest proceedings ang dalawang suspek na edad 17 at 18 habang ang dalawang iba pa ay ipapasakamay sa MSWDO para sa kaukulang disposisyon.