Inihayag ng Philippine Military Academy (PMA) na pinarusahan ang apat na kadete dahil sa pananakit sa kanilang classmate subalit ang nasabing insidente ay hindi “hazing.”

Ipinaliwanag ni Lieutenant Jesse Saludo PMA public information officer na nahaharap ang mga kadete ng parusa batay sa bigat ng kanilang partisipasyon sa insidente.

Binigyang-diin ni Saludo na may mahigpit at zero tolerance ang PMA sa pagmamaltrato at hazing, at wala umanong puwang ang nasabing aksion sa institusyon.

Gayunpaman, sinabi ni Saludo na taliwas sa reklamo ng biktima, ang insidente ay hindi maituturing na hazing sa Anti-Hazing Act.

Sinaktan umano ang isang kadete dahil sa nakaapekto umano sa kanilang squad ang kanyang performance.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa imbestigasyon, sinabi ng Baguio City Police na ang biktima, isang 4th class cadet, ay nakaranas umano ng physical abuse at pagpapahiya mula September 2 hanggang 29, 2024.

Ipinunto ng pulisya na ang mga ginagawang pagmamaltrato ay hindi umano isolated at madalas umano na nangyayari sa loob ng barracks.

Ang alegasyon ng pang-aabusong pisikal, na tinawag ng nagreklamo na “animalistic tripping,” ay kinabibilangan ng panununtok, at mabigat at sobra-sobrang physical training, na nagresulta umano sa kanyang pagkatumba dahil sa sobrang pagod.

Sinabi ng nagreklamo na matapos siyang makatanggap ng malakas na suntok noong September 24, 2024, halos mahimatay umano siya at dinala siya sa pagamutan sa Quezon City, kung saan sumailalim siya sa medical at psychological treatment.

Kalaunan ay inilipat siya sa PMA Station Hospital at pinalabas siya noong June 30 ngayong taon.