Apat na katao ang naiulat na namatay sa Bicol Region, kabilang ang isang indibidual na tinamaan ng kidlat, dahil sa bagyong Opong, ayon sa Office of the Civil Defense.
Ayon kay Claudio Yucot, regional director of OCD sa Bicol Region, ang tinamaan ng kidlat ay mula sa bayan ng Mercedes sa Camarines Norte.
Sa probinsiya ng Masbate, isa ang namatay sa Masbate City sa pagbagsak ng pader, ang isa ay sa bayan ng Monreal dahil sa natumbang kahoy, at sa bayan naman ng Mobo ay dahil sa nahulog na debris.
Subalit nilinaw ni OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang nasabing namatay ay hindi pa kasama sa initial na 14 na namatay na iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon sa NDRRMC, karamihan sa mga namatay ay naitala sa Cagayan Valley na may walo, habang ang tatlo ay naitala sa Central Luzon at Cordillera Administrative Region.
Dalawa naman ang nananatiling nawawala habang 17 ang nasugatan dahil sa Opong, Mirasol, at Nando.
Ayon pa sa NDRRMC, mahigit 1.2 million na katao sa 11 rehion ang naapektohan ng tatlong sama ng panahon.
Umaabot na sa P794.8 million ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang sa agrikultura ay P38.5 million.