Napatunayan ng Court of Appeals (CA) na guilty sa grave misconduct ang apat na pulis kaugnay sa pamamaril sa mag-ama noong 2011 dahil sa labis-labis na paggamit ng puwersa at ipinag-utos ang kanilang pagkakatanggal sa serbisyo.
Binaliktad ng Third Division ng CA ang desisyon ng Office of the Ombudsman noong 2012 na ibasura ang inihaing reklamo ng pamilya ng mga biktima.
Ang mga nasabing pulis ay sina Police Capt. Lodovico Eleazar Jr., Police Cpl. Jomar Camat at Billy Joe Collado, at Police Staff Sergeant Erwin Lopez.
Ipinag-utos din ng CA ang foreiture ng kanilang retirement benefits.
Taliwas sa depensa ng mga nasabing pulis na self-defense ang kanilang naging aksiyon sa “shootout” sa mga biktima, ipinunto ng korte na napatunayan sa resulta ng paraffin test sa mag-amang Rodrigo at Gener Eleazar, na walang gundpowder residue sa katawan ng mga biktima.
Lumabas din sa autopsy na pawang sa likod ang tama ng mag-ama.
Noong June 19, 2011, pinagbabaril ang mag-ama sa kanilang bahay sa Laoac, Pangasinan, kung saan sinabi ng mga testigo na pinatay ng mga pulis at barangay officials ang mag-ama dahil sa alitan.
Nagtamo ng maraming bala ng baril sa kanilang katawan ang mga biktima.
Naghain ng administrative complaint para sa grave misconduct ang pamilya Eleazar laban sa mga nasabing pulis at mga opisyal ng barangay na sangkot sa insidente, subalit ibinasura ng Ombudsman ang kaso, kung saan tinukoy ang kakulangan ng ebidensiya upang hamunin ang bersion ng insidente na iprinisinta ng respondents.
Sa kanilang depensa, sinabi ng mga respondents na pinaputukan umano sila ng mga biktima, at idinagdag pa na pumunta sila bahay ng mga Eleazar dahil sa report na nagpapaputok ng kanyang baril si Gener.
Samantala, ipinag-utos naman ng CA ang halos tatlong taon na suspension ng mga sangkot na barangay officials.