
Inihayag ng Philippine Army na apat na sundalo ang namatay sa pananambang ng pinaniniwalaang Dawlah Islamiyah–Maute Group (DI-MG) members sa Munai, Lanao del Norte.
Sinabi ni Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala, tinambangan ang mga sundalo mula sa Task Unit Tabang kaninang umaga ng mga miyembro ng DI0-Maute Group sa Barangay Lininding.
Ayon sa kanya, bukod sa apat na namatay, may isa ring sundalo na nasugatan.
Idinagdag pa ni Dema-ala na ang pinakahuling pag-atake ay bilang ganti dahil sa suporta ng mga mamamayan sa lugar sa mga tropa ng pamahalaan.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Philippine Army na isinagawa ang pananambang habang nagsasagawa ng security operations ang tropa sa lugar.
Tinawag ng militar na karumal-dumal at kaduwagan ang nasabing pag-atake.
Sinabi ng Army na tinutugis na ang mga sangkot sa nasabing pananambang katuwang ang ibang law enforcement agencies, local government units, at partner communities.










