TUGUEGARAO CITY- Apat na sundalo ang nasugatan sa sagupaan sa pagitan ng mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) sa Brgy Capellan, Ilagan City, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni MAJ Jekyll Julian Dulawan, hepe ng Division Public Affairs Office
(DPAO)NG 5th Infantry Division, nakatanggap ng tawag ang militar na may grupo ng NPA ang nangingikil ng pagkain sa mga residente sa lugar, Biyernes ng umaga.
Agad namang rumesponde ang tropa ng 95th Infantry Batallion kung saan naabutan pa nila sa lugar ang
mahigit sampung miyembro ng NPA na nasa ilalim ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley at nagpalitan ng
putok na tumagal ng 30-minuto.
Tumulong din ang tropa ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Airforce sa pagbibigay ng Close Air
Support sa bakbakan sa lugar.
Bagamat nakatakas, narekober naman ang militar ng bag pack na pagmamay-ari ng rebeldeng grupo na
naglalaman ng isang M16 rifle, dalawang shotgun, mga bala at personal belongings.
Samantala, nasa maayos nang kalagayan ang apat na sundalo na bahagyang nasugatan sa
sagupaan habang posible umanong may mga namatay o nasugatan sa panig ng rebeldeng grupo dahil sa mga
bakas ng dugo na nakita sa lugar.
Hinimok naman ni Dulawan ang mga natitirang miyembro ng rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan at
samantalahin ang benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).