Inanunsyo ni President Volodymyr Zelensky ng Ukraine na isang boarding school sa teritoryo ng Russia na okupado ng Ukraine ang tinamaan ng pambobomba mula sa Moscow, kung saan nagsisilbing silungan ang mga sibilyan at naghahanda nang lumikas.

Ayon sa Ukrainian army, apat na tao ang nasawi at marami ang nasugatan, kabilang ang mga matatanda, sa bayan ng Sudzha sa Kursk region, na nasa ilalim ng kontrol ng Ukraine sa loob ng limang buwan. Iniulat na mahigit 80 katao ang nailigtas mula sa gusali.

Ayon naman sa Moscow, ang Ukraine ang responsable sa pambobomba.

Sa kanyang pahayag sa X (dating Twitter), sinabi ni Zelensky na ang insidente ay nagpatunay na ang Russia ay isang “bansang walang kabutihang-asal.”

Ipinost ng general staff ng Ukrainian army sa Telegram na apat na tao ang nasawi at 84 na sibilyan ang nailigtas, at idinagdag na “ang pag-atake ay sadyang isinagawa.”

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng Ministry of Defence ng Russia na ang Ukraine ang naglunsad ng atake noong Sabado, at tinukoy ito bilang isang targeted missile strike.

Noong Agosto, naglunsad ang Ukraine ng mabilisang pagsalakay sa Russian oblast ng Kursk, na ikinagulat ng mga border guards ng Russia. Inamin ng gobyerno ng Kyiv na wala silang balak na sakupin ang teritoryo kundi gamitin ito bilang leverage sa mga susunod na negosasyon para sa kapayapaan.

Ipinagkumpara ni Zelensky ang atake noong Sabado sa mga pamamaraan ng digmaan na ginamit ng Russia laban sa Chechnya dekada na ang nakalipas. “Pinatay nila ang mga Syrian nang ganito. Ganito rin ang ginagawa ng mga Russian bombs sa mga bahay ng Ukraine,” ani Zelensky.