Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang motion for reconsideration na inihain ni Mayor Alice Guo of Bamban, Tarlac, at dalawang iba pa kaugnay sa kanilang preventive suspension dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa mga krimen na kinasasangkutan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs)sa nasabing bayan.
Batay sa desisyon na inilabas lamang ngayong araw na ito, sinabi ng Ombudsman na wala silang nakitang mabigat na dahilan para bawiin ang preventive suspension laban kay Guo, Licensing Officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua.
Unang iginiit ng kampo ni Guo na mahina ang mga ebidensiya laban sa alkalde at dapat lang na bawiin ang kanyang suspensiyon.
Subalit, sinabi ng Ombudsman na bagamat hindi naman tinatalakay dito ang merito ng kaso, may mga sapat na basehan para sabihin na malakas ang mga ebidensiya laban sa tatlong respondents.
Iginiit pa ng Ombudsman na ang preventive suspension ay hindi isang penalty sa halip ay isa lamang preventive measure o paunang hakbang sa isang administrative investigation.
Ipinaliwanag ng Ombudsman na ang layunin lamang nito ay para maiwasan na magamit ng mga akusado ang kanilang posisyon at kapangyarihan para impluwensiyahan ang mga potential witnesses o huwag pakialaman ang mga dokumento na mahalaga sa kaso.