Nakahapag na sa Energy Regulatory Commision (ERC) ang aplikasyon ng Cagayan Electric Copperative (CAGELCO-1) para sa dagdag singil sa mga member-consumers na may overdue accounts.

Ayon kay Engr. Tito Lingan ng CAGELCO-1 na papatawan ng P112 service fee ang mga konsyumer na mayroong overdue account, 5% surcharge fee ng kabuuang babayarang bill at non-pay reconnection fee na P112.

Aniya, mataas ang porsyento ng mga konsyumer na hindi nagbabayad sa tamang oras kung kaya dito babawiin ang gastos ng kooperatiba sa pagpunta at pagbibigay ng disconnection notice o paalala sa kanilang overdue account.

Sinabi ni Lingan na sinang-ayunan ito ng mga member-consumers sa isinagawang Annual General Membership Assembly (AGMA) na ginanap sa Tuguegarao City, Tuao, Amulung at Baggao noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Sa ngayon, inaayos na ng CAGELCO 1 ang paglalagay ng bayad center sa mga Baranagay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga magbabayad ng konsumo sa mga sub-office at para makatipid ang mga ito sa kanilang pamasahe.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, hinimok ni Lingan, ang mga consumers na magbayad sa takdang araw para maiwasan ang abala at dagdag na babayarin.