Nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region II na ang ipapamahaging calamity assistance sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers ay para sa 11 munisipalidad sa Cagayan na isinailalim sa State of Calamity dahil sa bagyong Quiel.
Ito ay kinabibilangan ng Sta. Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Allacapan, Aparri, Gonzaga, Sta. Ana at Baggao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni OIC Regional Director Luzviminda Tumaliuan na naglaan ng P21 milyon na pondo ang ahensiya para sa tinatayang 7,000 active OWWA member na naapektuhan ng bagyo noong Nobyembre.
Makakatanggap ng P3,000 cash assistance ang isang kwalipikadong active OWWA member o mayroong membership simula November 9, 2017 hanggang November 8, 2019.
Upang masiguro ang maayos na daloy ng transaksyon, inanunsiyo ni Tumaliuan na ang mga kwalipikadong claimants ay maaaring magpunta at dalhin ang mga requirements sa Public Employment Service Office o PESO officers sa kanilang munisipyo hanggang February 7, 2020 lamang.
Samantala, sinabi ni Tumaliuan na kanilang ipapadala sa OWWA central office ang katatanggap ng ahensiya na ulat mula sa National Disaster Risk Reduction Managemet Council (NDRRMC) kaugnay sa naging epekto ng bagyong Tisoy sa Cagayan at Isabela.
Ito ay para sa kanilang pag-apruba at mapaglaanan ng pondo.
Ang mga kinakailangang dokumento ay ang mga sumusunod:
Para sa mga claimant na OFW, siya ay kinakailangang mag-accomplish ng claim form na may deklarasyon na walang ibang OFW sa kaniyang pamilya na nag-avail ng assistance, 2×2 ID picture ng OFW at photocopy ng valid ID.
Kung ang claimant ay asawa, siya ay kinakailangang magpakita ng photocopy ng marriage contract kasama ang duly accomplished na claim form, 2×2 ID picture at photocopy ng ID na may nakalagay na address.
Kung ang claimant ay anak ng hindi pa ikinakasal na magulang ng OFW at nasa tamang edad, siya ay kinakailangang magpakita ng authorization form mula sa OFW, photocopy ng kaniyang birth certificate kasama ang duly accomplished claim form, 2×2 ID picture at photocopy ng ID na may kasamang address.
Kung ang claimant ay magulang ng hindi pa naikakasal na OFW, siya ay kinakailangang magsumite ng photocopy ng birth certificate ng OFW, 2×2 ID picture ng claimant at photocopy ng valid ID ng claimant na may address.
Para naman sa kapatid ng hindi pa naikakasal na OFW, ang claimant ay kinakailangang magsumite ng photocopy ng birth certificate ng OFW at ng claimant, authorization mula sa OFW, photocopy ng valid ID/passport ng OFW at ng claimant na may address, kabilang ang 2×2 ID picture ng claimant at claim form.