Bilang tugon sa lumalalang krisis sa edukasyon, isinabatas ng administrasyong Marcos ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na layong tulungan ang mga mag-aaral na nahuhuli sa lebel ng kanilang pagkatuto.
Pinangungunahan ng Department of Education (DepEd), layunin ng programang ito na mapaunlad ang kasanayan ng mga estudyante sa mga pangunahing asignatura tulad ng pagbasa at matematika para sa Grades 1 hanggang 10, at agham para sa Grades 3 hanggang 10.
Nakatuon din ito sa pagpapalakas ng literacy at numeracy skills ng mga batang nasa kindergarten sa pamamagitan ng libreng tutorial sessions na maaaring isagawa nang harapan, online, o blended.
Kasabay ng pagpapatupad ng ARAL Program, sinimulan din ngayong School Year 2025–2026 ang pilot implementation ng revised Senior High School (SHS) curriculum.
Binawasan ang core subjects mula 15 kada semester tungo sa limang pangunahing asignatura na ituturo buong taon sa Grade 11.
Kabilang dito ang Effective Communication (Mabisang Komunikasyon), Life Skills, General Mathematics, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino.
Layunin ng pagbabagong ito na gawing mas epektibo at makabuluhan ang edukasyon upang masiguro na handa sa trabaho ang mga nagtapos ng SHS.
Patuloy namang itinutulak ng DepEd ang digitalization ng mga paaralan upang tugunan ang digital gap na binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang huling SONA.
Kabilang sa mga hakbang ay ang pamamahagi ng smart TVs, laptops, at iba pang ICT equipment sa mga pampublikong paaralan, pati na rin ang pagpapabuti ng internet connectivity lalo na sa mga liblib na lugar.
Kasabay nito, binibigyang-priyoridad din ng ahensya ang pagpapatayo ng matitibay at mobile na modular classrooms sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto sa kabila ng sakuna.