Magpapatupad ng araw-araw na mas mahigpit na chekpoint ang Philippine National Police (PNP) sa mga pangunahing lansangan sa lalawigan ng Kalinga.
Itoy matapos ipag-utos nina Kalinga Governor Ferdinand Tubban at Tabuk City Mayor Darwin Estrañero ang pagpapatupad ng checkpoint maging sa gabi para mabawasan ang mga vehicular accidents.
Ang direktiba ay batay sa mga serye ng aksidente sa lalawigan, lalo na sa Tabuk nitong nakalipas na holiday season na nagresulta sa pagkamatay ng mga sangkot na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin at walang disiplinang driver.
Inatasan naman si Dionisio Falgui, head ng Public Order and Safety Office na araw at gabi kailangang ipatupad ang checkpoint sa mga accident prone areas partikular sa kahabaan ng Bulanao-Dagupan road.
Kaugnay nito, inihayag ni Provincial Director PCol Job Russell Balaquit ng Kalinga Police Provincial Office (KPPO) na may nabuo ng operational plan upang mabawasan ang tumataas na bilang aksidente sa lansangan sa probinsiya.