TUGUEGARAO CITY-Blangko pa rin ang mga otoridad kung sino ang pitong armadong kalalakihan na nagpakilalang mga pulis at tauhan umano ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na pinagnakawan ang isang farmhouse sa Solana,Cagayan.
Sinabi ni Police Capt. Junjun Balisi, hepe ng PNP Solana na lulan ng dalawang sasakyan ang armadong grupo na pumarada umano sa madilim na bahagi malapit sa gate ng farmhouse sa Brngy.Padul,Solana.
Ayon kay Balisi,pinagbuksan ng mga nasa loob ng bahay na pawang magkakamag-anak na sina Junior Pascual,Gerry Balbin,Rodito Gallo, Ernesto, Vanessa, Natividad at Loriel Santiago at isang 6 years old matapos na magpakilala ng mga pulis.
At nang nakapasok na ang mga ito sa farmhouse ay may ilang nagpakilala din umano na mga tauhan ng PDEA.
Sinabi ni Balisi na dito na iginapos ang mga biktima bago hinalughog ang buong bahay.
Ayon kay Balisi,nakuha sa mga silid ng mga biktima ang cash na P285,000 at ilang valuable items.
Sinabi pa ni Balisi na posible umanong mamukhaan ng mga biktima ang mga suspek kung muli nilang makita ang mga ito.